Sinagot ni Mike Tan ang tanong kung handa siyang bumida sa isang Boys' Love o BL na series, ngayong nauuso na rin ang ganitong genre.

Sa programang "Mars Pa More," nag-play ng isang video ng bloopers ng afternoon series na "Nagbabagang Luha," kung saan pabirong hinalikan ni Rayver si Mike.

Dahil dito, hindi maiwasan ng ilan na mag-request na gumawa ng BL series sina Mike at Rayver.

"If ever ba na ma-offer-an ka ng BL series, game ka ba?" tanong ni Mars Pa More host Camille Prats.

"Siyempre lagi kong sinasabi sa sarili ko, depende sa script. Kung kailangan talaga sa scene, tapos maganda 'yung script, bakit hindi? Tapos kumportable ako roon sa kaeksena ko, 'yun ang pinakamadali eh," sagot ni Mike.

Sinabi ni Mike na may pag-aalinlangan siyang gawin ang isang BL na proyekto, pero game siya rito kung kakilala niya ang kaniyang kaeksena.

"Pero kapag hindi mo kasi kakilala 'yung kaeksena mo tapos wala talaga kayong personal relationship na dalawa, medyo mahirap," anang aktor. "Pero yeah!"

Gumaganap si Mike bilang si Bien de Dios sa "Nagbabagang Luha," na TV adaptation ng pelikula noong 1988.

Kasama rin ni Mike sina Glaiza de Castro, Claire Castro, at Gina Alajar. Sa direksyon ito ni Ricky Davao.--FRJ, GMA News