Matapos ang kaniyang unang acting project sa "Gabi ng Lagim IX" special episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho,” naghahanda naman si Rabiya Mateo para sa GMA action series na "Agimat ng Agila 2."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing makakasama ng Miss Universe Philippines 2020 na si Rabiya, sina Sen. Bong Revilla Jr. at Sanya Lopez.

“Nagpapasalamat talaga ako kasi malaki ’yung tiwala na binigay sa akin ng team, ng GMA, para ibigay itong role sa akin,” ani Rabiya.

Kabilang sa kaniyang paghahanda sa kaniyang unang GMA series ay ang pagpunta sa gym at boxing.

“Na-e-excite din po ako na makatrabaho ’yung mga beterano na sa field na ito kasi marami po talaga akong matututunan,” sabi pa ni Rabiya.

Nitong nakaraang Linggo, napanood si Rabiya sa kaniyang unang acting stint sa "KMJS" Halloween special, kung saan ginampanan niya ang isang dalaga na ginagambala ng isang maligno.-– FRJ, GMA News