Pinasok at pinagbabaril sa loob ng kaniyang inuupahang bahay sa Kidapawan City, Cotabato ang isang Police Captain nitong Lunes ng hapon.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Police Captain Razul Pandulo, nakatala sa Bobong Police Station sa Lanao del Sur.

Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, bago pa lang naninirahan umano sa lugar si Pandulo nang mangyari ang krimen.

Nagpapahinga umano si Pandulo nang pasukin siya ng mga salarin sa bahay sa Barangay Poblacion dakong 4:30 pm at pinagbabaril.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen at pagtugis sa mga salarin. – FRJ GMA News