Naging malaking palaisipan sa isang pamilya ang nadiskubre nilang sinaunang family photo album nang may makita silang larawan ng babaeng kamukhang-kamukha ng Star For All Season na si Vilma Santos-Recto.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing nakita ang lumang photo album sa ancestral house nina Lia sa ParaƱaque, na ang mga larawan ay nagsimulang ipunin noong 1920's.

Ang naturang photo album ay pag-aari ng great-great grandfather ni Lia, na pumanaw na kaya hindi na nila magawang maitanong kung si Vilma nga ba ang babae sa larawan.

Nagtataka ang pamilya ni Lia, maging ang kaniyang ina na si Judy, kung papaanong mapapasama si Vilma sa family album gayung hindi naman nila ito kamag-anak.

Wala rin umano silang kamag-anak na kamukhang-kamukha ng actress-turned-politician.

Samantala, ang lalaki sa larawan na kasama ng babaeng "kamukha" ni Vilma, ay napag-alaman na si Lolo Eli, na 85-anyos na ngayon.

Dahil na rin sa kaniyang edad, nagkakaroon na raw ito ng problema sa memorya at nagiging makakalimutin na.

Upang malaman kung si Vilma nga ba o hindi ang nasa larawan, nakipag-ugnayan ang "KMJS" team sa aktres, at ipinakusap din siya sa pamilya ni Pia, kasama na si Lolo Eli, na nasa larawan din.

Si Ate Vi, namangha at gulat na gulat nang makita ang "misteryosong" larawan.

Ang batikang aktres nga ba ang babaeng nasa larawan at may maalala na kaya ni Lolo Eli kapag nakausap niya si Ate Vi? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."


--FRJ, GMA News