Hindi na itinago ni Gil Cuerva na nililigawan niya ang StarStruck Season 7 alumni na si Lexi Gonzales.

Naganap ang pag-amin ni Gil sa segment na "Tarantanong" ng "Mars Pa More" kung saan guest silang dalawa ni Lexi.

"Oo," kaagad na sagot ni Gil nang tanungin kung totoo bang nililigawan niya si Lexi, na katabi niya sa programa.

Kuwento ng binata, nagsimula silang magkamabutihan ni Lexi nang minsan na maging guest nila ang dalaga sa kanilang show na "Taste Buddies."

At dahil sa pandemic, naging madalas ang kanilang pag-uusap at sabay na panonood ng movies online, at kung minsan ay umu-order pa sila ng magkaparehong pagkain.

Ayon kay Lexi, mabait at sobrang gentleman si Gil.

"Ipapa-feel niya talaga na your important and yung care nandon," sabi ng aktres.

Inihayag din ni Lexi, na inaabot daw sila ni Gil nang ilang oras sa pag-uusap at sabay na panonood ng movie online noong panahon na mahigpit pa ang community quarantine.

Ang sunod na tanong mga mars na si Camille Prats at Iya Villania, "sila" na ba ngayon? Alamin sa video ang sagot ng dalawa. Panoorin.

--FRJ, GMA News