Inihayag ng ilang Kapuso stars ang kanilang mga plano sa pagdiriwang ng Pasko ngayong taon. Ang mga celebrity, dapat ding kaabangan sa mga upcoming series sa 2022.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Barbie Forteza na mas merry ang Pasko niya ngayong taon dahil sa get-together ng mga kaanak niyang matagal niyang hindi nakita dahil sa pandemya.

"Nagpaplano na po ang aking relatives sa Biñan, Laguna, na finally talagang magsama-sama na ngayong Pasko. Sana po ay matuloy po 'yun," sabi ni Barbie.

Sa Tagaytay naman magdiriwang ng Pasko si David Licauco.

"We're going to Tagaytay, doon kami magki-Christmas Eve. We're staying there for three days. Nag-request na ako ng mga food na gusto ko sa mom ko," ani David.

Mapapanood sina Barbie at David sa isa sa bagong Kapuso primetime series sa 2022 na "Mano Po Legacy: The Family Fortune."

Kaaabangan din sa 2022 ang Kapuso series na "False Positive" na pagbibidahan nina Glaiza de Castro at Xian Lim.

Unang beses ito nina Glaiza at Xian na nagsama sa teleserye, pero nag-click agad sila habang nasa lock-in taping.

Mapapanood naman si Glaiza sa comedy, na matagal na aniya niyang gustong gawin.

"Ang saya rin po kasi ng ginagawa namin dahil 'yung genre is comedy. Siyempre may drama rin, may konting fantasy. Very light 'yung set, 'yung mood namin very light," sabi ni Glaiza.

"As an artist, napaka-intense niya (Glaiza) and very passionate sa trabaho. So for her to tackle comedy and sweet na medyo pabebe, actually hindi medyo," birong sabi ni Xian.

Makakasama ni Glaiza ang fiance na si David Rainey sa Baler kasama ang kaniyang pamilya.

"'Yung Baler unti-unting nag-o-open up, so inisip po namin na doon na lang i-celebrate 'yung Christmas," sabi ni Glaiza.

"Iikot po si mom at si lola ko kasi hindi na ganoon ka-strict. We're planning on just traveling somewhere," sabi naman ni Xian. – Jamil Santos/RC, GMA News