Dahil nag-asawa na ang mga naging leading lady ng Kapuso star Rafael Rosell, natanong ang aktor kung handa na rin ba siyang lumagay sa tahimik.

Sa programang "Mars Pa More," kabilang sa mga naging leading lady ni Rafael na nang-asawa na ay sina Marian Rivera, Carla Abellana at Mars Camille Prats.

Isinama rin ni Mars Iya Villania ang pangalan niya na nakatrabaho rin ni Rafael sa ilang teleserye.

"Yes of course," ang sagot ni Rafael sa tanong kung magpapakasal na rin siya sa kaniyang longtime non-showbiz girlfriend na si Valerie Gomez Chia.

Ayon kay Rafael, si Valerie ang the one para sa kaniya.

"Napansin ko she really understands me. And sa world ng Instagram at social media, mahirap makahanap ng totoong tao na makakaintindi sa'yo," paliwanag ng aktor.

Idinagdag ni Rafael na pasensiyosa at maunawain si Valerie.

Pinatotohanan naman ni Iya na matagal nang magkarelasyon sina Rafael at Valerie, at wala siyang nababalitaan na naging problema ng dalawa.

"Ito yung napansin ko Raf, wala siyang naging problema rito," ayon kay Iya, na sinundan ng pahayag ng mga host na sina Camille at Kuya Kim Atienza, na natutuwa sila para sa aktor.

--FRJ, GMA News