Isang bagong Kylie Padilla ang mapapanood sa kaniyang upcoming Kapuso series, kung saan gaganap siya bilang isang billiard genius. Alamin kung sino ang kaniyang magiging leading man.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing bola ng bilyar naman ang mina-master ni Kylie ngayong 2022.

"I'll really be honest. Never pa akong nag-billiards. Hindi ko siya ma-grasp!" natatawang sabi ni Kylie. "But when I did lessons yesterday, nagkaroon ako ng confidence na kaya ko pala with the right teachers."

Coaches ni Kylie ang billiard masters na sina Johann Chua at Geona Gregorio.

Nakitaan ng potensyal kay Kylie kahit baguhan pa lamang siya sa laro.

Reunited si Kylie kay Rayver Cruz sa proyekto, na nakatambal na niya noon sa isang pelikula noong 2015.

"Nakaka-excite kasi okay kasama si Rayver eh, masayang tao rin naman siya eh. Eh 'di ba 'pag ganiyan, matagal-tagal mong makakasama 'yung tao so kailangan jive kayo."

Bukod dito, nagkasama rin kamakailan sina Kylie at Ruru Madrid sa isang episode ng "Regal Studio Presents."

Sinulit na rin ng "KyRu" ang pagkakataon at gumawa na sila ng isang matapang na vlog.

"Nae-excite ako para sa vlog na 'yon kasi we went deeper than just nagpapakilig kami. Napag-usapan talaga namin lahat, nakakatuwa," sabi ni Kylie.

Ayon pa kay Kylie, halos naging no hold barred ang usapan nila ni Ruru.

"Oo, ganu'n siya. Hindi ko alam kung 'yun ang ilalabas niya sa pag-edit nila doon."

--Jamil Santos/FRJ, GMA News