Hindi namalayan ni Alden Richards na umabot na sa 14 na ang pinag-aaral ng kaniyang AR Foundation, at dalawa na ang nagtapos ng kolehiyo.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, inihayag ni Alden na umaasa siyang madagdagan pa ang mapag-aaral ng kaniyang foundation sa tulong ng kaniyang benefit concert na "ForwARd: Meet Richard R. Faulkerson, Jr."

"'Yung scholars ko pala, without me knowing it na last year ko lang din nalaman, na meron na pala akong na-accumulate na 14 scholars through time," sabi ni Alden.

"Nung in-accumulate namin siya, doon ko na-realize na ang dami na pala nila and suprisingly, meron ng dalawang college graduate doon," patuloy ng aktor.

Sa benefit concert na "ForwARd" na gaganapin sa January 30, sinabing mas makikilala ng publiko si Alden dahil babalikan sa documentary part ng concert ang kaniyang buhay bago siya nag-artista at nakilala bilang si Alden Richards.

"There was no script shooting the documentary part. Everything was organic, everything was just based on question and answer. There were a series of question and I was just answering it by heart," ayon kay Alden.

Maaaring bumili ng tickets sa Ticket2Me.

--FRJ, GMA News