Muli na namang natanong si Ellen Adarna tungkol sa usapin ng prenup agreement sa mister niyang si Derek Ramsay.

Sa ulat ng PEP.ph, sinabing nagpaunlak si Ellen ng mga tanong mula sa kaniyang Instagram followers nitong Huwebes, January 20, 2022.

Isa sa kaniyang follower ang nagtanong sa aktres kung ikinunsidera ba nila ni Derek na magkaroon ng pre-nuptial agreement, o kasunduan tungkol sa kani-kanilang yaman at ari-arian bago nagpakasal.

Noong lang nakaraang Nobyembre nagpakasal ang dalawa.

Kaagad naman umanong sinagot ni Ellen ang tanong na tinawag niyang "personal."

Pero minabuti na rin niyang sagutin ito dahil marami raw ang nagtatanong sa kanila.

Diretsong sagot ng aktres, “So many people ask me and Derek this, and this is a very personal question.

"So, let’s put it this way. Dili ko lugi ni Derek ug si Derek di sad lugi nako (Hindi ako lugi kay Derek at si Derek ay hindi rin lugi sa akin). So, patas ang show,” ayon sa paliwanag ni Ellen sa ulat.

Ayon sa PEP, kilala ang pamilya ni Ellen sa kanilang real-estate businesses at chain of motels sa Cebu, Davao, Cagayan de Oro, at Metro Manila.

May mga malalaking negosyo naman daw pamilya ni Derek tulad ng security business, at maraming naipundar na bahay ang aktor sa mga exclusive subdivision.-- For more showbiz news, visit PEP.ph