Dahil kasal sa Italyano na si Giacomo Gervasutti, tinanong ang Kapuso actress na si Ina Feleo kung handa ba siyang manirahan sa Italy.

"Honestly, wala!" natatawang sagot ni Ina sa programang "Mars Pa More."

Ayon kay Ina, may trabaho pa siya sa Pilipinas, pero posible naman umanong manirahan siya sa Italy sa hinaharap.

"Kasi nandito 'yung work tapos siya [Giacomo] rin naman, nagbukas siya [sa Pilipinas] ng restaurant na bed and breakfast," ayon kay Ina.

Ayon kay Ina, sa San Vicente, Palawan nagbukas ng bed and breakfast business ang kaniyang mister.

"So basically here, pero siguro in the future kung magka-babies or whatever when they grow up para... siguro part of my life will be in Italy. But then, working actress eh," sabi ni Ina.

Ikinasal sina Ina at Giacomo noong Disyembre 1, 2020 sa Pinto Art Museum sa Antipolo. --FRJ, GMA News