Blessed at nagpapasalamat ang cast ng "First Lady" na pinagbibidahan nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion dahil sa mainit na pagtanggap ng viewers sa kanilang pilot episode.

"Nagpapasalamat kami sa mga lahat ng sumuporta sa 'First Lady.' Hindi lang po 'yun dahil napa-trending daw po ang First Lady kahapon, maraming maraming salamat po. Sobrang saya namin. Gusto ko rin pong magpasalamat dahil napakataas po ng ratings ng First Lady," sabi ni Sanya sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa "24 Oras" nitong Martes.

""Maraming salamat sa suporta ninyo. Maganda ang kinalabasan, at totoo nga, nag-enjoy kami," sabi ni Gabby.

Sa premiere nitong Lunes, magkakasama itong pinanood nina Gabby, Sanya at ng lahat ng cast at staff.

"Sobra 'yung kilig namin talaga, nagsisigawan kami habang nanonood. Gano'n kasi kami ka-excited eh, 'yun 'yung nararamdaman naming lahat. Nagchi-cheer kami, kinakanta naming lahat 'yung theme song nang sabay sabay," sabi ni Sanya.

"'Yung explanation hindi ko talaga masabi 'yung words, pero dapat nandoon ka para maramdaman mo 'yung energy kagabi. 'Yung mga kaibigan din namin tumawag, ang daming nag-congratulate, maraming nag-e-enjoy," sabi ni Gabby.

Maraming viewers din ang humanga sa presidential protocols na ipinakita sa mga eksena, tulad ng state visit scene.

Pinasalamatan nina Gabby at Sanya ang consultants sa series na eksperto sa mga ganitong bagay.

"Lahat ng nangyayari o sinasabi namin, sinusuot ng mga PSG, lahat 'yan are under the guidance of people... sila ay either currently o retired na mga PMS ng bansa. So hindi kami gumagawa ng hindi ukol doon sa nangyayari," sabi ni Gabby.

Dahil First Lady na, tinuruan na rin daw si Melody na bawasan ang kaniyang pagiging bungisngis at kontrolin ang sarili, ayon kay Sanya.

"Maraming mangyayari kasi, maraming kinakaharap doon si President Glenn dahil nga hindi ko alam kung makadadagdag nga ba si Melody sa problema ni President Glenn Acosta roon," sabi ni Sanya.

"Ang feeling kasi ni Melody bilang First Lady parang hindi niya deserve, nakita niyo naman sa pilot. Ganoon ang parating makikita niyong pakiramdam ni Melody hanggang later on, magbabago lahat 'yon," sabi ni Gabby.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News