Titigil na sa paggawa ng pelikula ang Hollywood actor na si Bruce Willis, nakilala sa mga action movie tulad ng "Die Hard" franchise, matapos na matuklasan na mayroon siyang "aphasia."

Ayon sa ulat ng Reuters, sinabi ng pamilya ni Bruce na ang aphasia ay nakakaapekto sa "cognitive abilities."

"This is a really challenging time for our family and we are so appreciative of your continued love, compassion and support," nakasaad sa inilabas na pahayag ng pamilya ng 67-anyos na aktor.

Nasa 100 pelikula na ang nagawa ni Bruce sa apat na dekada niya sa showbiz. Bukod sa "Die Hard" movies na ipinalabas mula 1988 hanggang 2013, bumida rin siya sa mga "Pulp Fiction," "Tears of the Sun," at "The Sixth Sense."

Makulay din ang love life ni Bruce na dating mister ng aktres na si Demi Moore.Matapos silang maghiwalay, ikinasal ang aktor sa aktres na si Emma Heming.

Sa kabila ng kanilang paghihiwalay, naging maayos pa rin ang relasyon nina Bruce at Demi.

"We are moving through this as a strong family unit, and wanted to bring his fans in because we know how much he means to you, as you do to him,"saad sa pahayag ng pamilya ni Bruce, na ipinost sa Instagram ni Demi Moore at anak nilang si Rumer.

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Demi Moore (@demimoore)

 

Ang aphasia ay disorder na madalas na bunsod ng stroke, at maaari ding dulot ng head trauma o mula sa neurological disease, ayon kay Brenda Rapp, propesor tungkol sa cognitive science sa Johns Hopkins University.

Kabilang umano sa sintomas nito ay nakakaapekto sa pagsasalita, pag-unawa at pagbasa.

May pagkakataon umano na maaaring magamot ang aphasia sa pamamagitan ng speech therapy, ayon pa sa ulat.

Nitong nakaraang 2021, walong pelikula ni Bruce ang ipinalabas bagaman hindi maituturing na critically acclaimed movies. --Reuters/FRJ, GMA News