Pinagbabaril at napatay sa loob ng sasakyan ang punong barangay ng San Pedro Cutud, San Fernando CIty sa Pampanga. Kasamang nasawi ng lokal na opisyal ang kaniyang driver.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ng mga biktima na sina barangay chairman Matt Ryan Dela Cruz, at driver niyang si Henry Aquino.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagpapakarga ng gasolina sa isang gas station sa Barangay Del Pilar sa San Fernando City ang mga biktima nang pagbabarilin sila ng mga salarin.

"Based sa CCTV, while itong mga victim ay nagre-refuel ng gasoline ay may bumuntot sa kanila na isang sedan. Bumaba yung dalawang sakay ng sedan at biglang pinaulanan ng bala ang dalawang biktima," ayon kay Police Lieutenant Colonel Jaime Edejer, Provincial Community Affairs and Development Unit (PCADU), Chief of Pampanga Police Provincial Office (PPO).

Bumuo ang Police Regional Director ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa imbestigasyon sa nangyaring krimen.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamahalaang panlalawigan ng Pampanga at lokal na pamahalaan ng San Fernando sa mga naulila ng mga biktima, at nangakong tutulong para makamit nila ang hustisya.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa posibleng motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA Integrated News