Pinoproseso pa raw ng komedyanteng si Chris Rock ang nangyaring pananampal sa kaniya ng aktor na si Will Smith sa Oscar ceremony.

Sa ulat ng Variety, sinabing sold-out ang stand-up show ni Chris sa Boston noong Miyerkules.

Naging malakas ang tawanan ng mga tao nang tanungin sila ni Chris ng, "How was your weekend?"

Nangyari ang pananampal sa kaniya ni Will noong Linggo nang magbiro siya tungkol sa kawalan ng buhok ng asawa ng aktor na si Jada dahil sa kondisyon nito na Alopecia.

Sabi umano ni Chris sa mga nanood sa kaniyang show, wala siyang joke tungkol sa nangyaring pananampal sa kaniya.

"I still kind of processing what happened," sambit umano ng komedyante, ayon sa ulat ng Variety.

"At some point I'll talk about that... and it will be serious and funny," pangako niya.

Read: Will Smith, nagsisisi sa ginawang pagsampal kay Chris Rock

Nag-public apology na si Will kay Christ at sa Academy dahil sa kaniyang inasal sa awards night, kung saan siya ang nanalong Best Actor para sa pelikulang "King Richard." --FRJ, GMA News