Inilahad ni Bea Alonzo na priority niya muna ngayon ang kaniyang showbiz career at pamilya, pero ibibigay pa rin niya ang matamis niyang "oo" kung mag-propose sa kaniya si Dominic Roque. 

"I can't speak for him. And alam naman niya na marami rin akong gagawin, alam naman niya kung ano 'yung mga priorities ko sa ngayon," sabi ni Bea sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras nitong Biyernes.

"Pero kung sakaling mag-propose siya siyempre o-oo ako," dagdag ni Bea.

Nagkakaroon na ng panic ang ibang babae na mag-asawa at magka-pamilya kapag umabot na sila sa edad na 30 pataas, pero sinabi ni Bea na uunahin muna niya ang kaniyang pamilya at mga proyekto.

"Sa ngayon sinabi ko nga na parang ang dami ko pang gagawin. Parang ayoko naman na hindi i-prioritize 'yung family ko kapag nandiyan 'yung family ko. Siguro ngayon ipa-prioritize ko muna 'yung mga na-oohan ko nang proyekto."

Bukod dito, inihayag din ni Bea na natakot siya noong malapit na siyang umabot sa edad na 30.

"Sa totoo lang marami pa namang projects na natatanggap pa rin. And doon ko na-realize that I should represent Filipinas in their 30s na hindi pa nagse-settle down," anang Kapuso actress. — Jamil Santos/VBL, GMA News