Masaya sina Bianca Umali, Ken Chan at Kelvin Miranda, na lead cast ng "Mano Po Legacy: Her Big Boss," sa anunsyong magiging mas mahaba pa ang itatakbo ng kanilang series.

"Masaya po kami na nakapagpapasaya po kami ng mga tao," sabi ni Bianca sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

Aasahan naman ang mas exciting pa na kuwento, lalo ang love triangle na mangyayari sa kanilang mga karakter na sina Irene, Richard at Nestor.

"Andu'n ka sa hindi mo sure kung mahal mo na ba talaga o hindi pa... For me 'yun ang pinakamasarap na part eh, 'yun ang pinaka may thrill, exciting at saka andu'n 'yung kilig talaga," sabi ni Ken.

Itinampok nitong nakaraang Huwebes ng gabi ang ice skating bonding nina Richard, na ginagampanan ni Ken, at Irene, na ginagampanan naman ni Bianca.

Mapapanood na solong solo nina Bianca at Ken ang buong ice skating rink para sa taping ng eksena.

Inilahad naman ng tatlo na apektado rin sila sa komplikadong sitwasyon ng kanilang mga karakter.

"Iniisip mo, paano kaya kung mangyari siya sa totoong buhay, 'di ba? Ikaw 'yung nandu'n sa sitwasyon talaga," ani Kelvin. --Jamil Santos/FRJ, GMA News