Tandang-tanda pa ni Camille Prats ang ginawang pagnanakaw sa kaniya ng halik ng dati niyang leading man sa isang eksena na wala sa script.

"Siguro sa dami ng mga nakatrabaho ko, usually mapagpasensiya naman ako, pero kung meron man akong isang gustong kagatin, ayun ay si..." sabi ni Camille sa "Mars Pa More" tungkol sa kaniyang leading man na hindi na niya pinangalanan.

"Karamihan ng mga ginawa kong programa dati, lagi akong natatapat na siya ang leading man ko, kasi siguro dahil ako rin ang pinakapasensyosang naging katrabaho niya. I never complain, kahit mahirap katrabaho," paliwanag ni Camille.

Ngunit hindi nagustuhan ni Camille ang ginawa ng aktor sa isa nilang eksena kung saan nabaril ang kaniyang karakter at kailangan siyang sagipin nito.

"Pagkaplakda, siyempre to the rescue 'yung lolo mo, leading man. 'Pag rescue, iyak-iyak, tinatawag 'yung pangalan ko, 'Camille! Camille!'"

Ayon kay Camille, tapos na dapat ang eksena sa pagluluksa ng aktor sa pagkakabaril sa karakter niya pero...

"Nakaramdam ako, may dumampi sa labi ko na mga something. Siyempre nakapikit ka, nabaril, himatay," kuwento pa ng aktres.

Nang dumilat siya, nakita niya na hinalikan na pala siya ng aktor kahit na wala sa script at wala rin siyang permiso.

"Sabi ko, 'Ano ito? Bakit may dumidikit sa bibig ko?' Pagdilat ko, siya! Hinahalikan pala ako!' Hindi nakalagay sa script, wala sa blocking, nothing," anang aktres.

"Siyempre noong [tumingin] ako, tumayo na ako, sabi ko 'Ano ba naman ito?'" kuwento ni Camille nang may pagpapakita ng pagdadabog.

Nagpaliwanag naman ang aktor kung bakit niya ito ginawa.

"Sabi ko, 'Wala naman sinabing ganiyan 'yung gagawin mo.' Tapos sabi sa akin, 'Eh kasi 'di ba namatay ka? So siyempre ima-mouth-to-mouth resuscitation ka,'" kuwento ni Camille na ikinatawa ng kanilang mga panauhin.

Paniwala ni Camille, nalito ang aktor sa kung ano ang totoo at ano ang dapat lang sa eksena.

"Nalito na siya doon sa fact na umaarte sa totoong buhay. Kasi may gano'ng moment si kuya. Apparently he got confused that this is acting and this is real life. Nadala siya," paliwanag ni Camille.

"Pero siyempre on my end, siyempre dumadampi 'yung labi mo sa akin, na hindi ako handa!" dagdag ng aktres.

Alamin sa video ang natatawang sagot ni Camille nang tanungin siya kung mabango ba ang aktor.  --FRJ, GMA News