"Mahal kita" at "Maghihintay ako kahit gaano katagal."

Ito ang mensaheng nagpakilig ng marami na sinabi ni Rayver Cruz kay Julie Anne San Jose nang magdiwang ang dalaga ng kaniyang ika-28 kaarawan. Ano na nga ba ang relationship status nilang dalawa?

Sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing unang nagkasama sina Rayver at Julie sa Studio 7, at nakita agad ang chemistry sa kanilang dalawa sa kanilang mga production number.

Hanggang sa maging host din sina Julie at Rayver ng The Clash.

Sinabi ni Rayver na si Julie ang isa sa mga pinaka-close niyang nakatrabaho.

"Kaibigan mo ako eh. I'm here for you, no matter what," mensahe ni Rayver kay Julie sa isang video ng GMA Synergy.

"Of course, I'm also here for you... I'm here for you too, Ray," tugon naman ni Julie.

Nadala rin nina Julie at Rayver ang solido nilang pagkakaibigan at chemistry sa musical trilogy ni Julie na "Limitless," kung saan naging special guest si Rayver.

Napansin naman ng netizens ang sweet na palitan ng comments ng JulieVer sa social media, matapos maging single si Rayver noong nakaraang taon.

Sa isang pagkakataon, naging "pumpkin" pa ang tawagan nila sa isa't isa.

Dahil na rin sa kanilang sunod-sunod na Tiktok videos at kilig na song covers, umugong pa ang mga usaping nagde-date ang dalawa.

Sa kanilang matibay na pagkakaibigan at paglikha ng magagandang musika, tunay na masasabing "sailing" ang JulieVer. —Jamil Santos/VBL, GMA News