Mula sa pagiging artista, nakikipag-usap na ngayon sa mga taong tinatamaan ng "right of way" ang property ang dating "That’s My Boy" ng "Eat Bulaga" na si Goyong.

Sa isang episode ng EB, sinabi ni Goyong na personal na desisyon niya na unahin noon ang pag-aaral kaysa showbiz nang tumungtong na siya sa kolehiyo.

Ayon kay Goyong, estrikto ang kolehiyo na kaniyang pinasukan at hindi kakayanin ng kaniyang schedule kung isasabay niya ang showbiz.

Kaya naman nakapagtapos siya ng kursong Business Administration Major in Marketing Management.

Sinabi ni Goyong na nagtatrabaho siya ngayon sa isang kompanya na gumagawa ng mga expressway.

Isa raw siya sa mga nakikipag-usap sa mga tao na tinatamaan ng proyekto ang property o kung tawagin ay usapin ng "right of way."

Nagpapasalamat si Goyong dahil nakakatulong ang kaniyang pagiging artista noon para maging kalmado ang pakikipag-usap niya kapag namukhaan siya na isang celebrity. --FRJ, GMA News