Kinumpirma ni Richard Gomez na totoo ang mga usapin na may mga itinatago-tago na mga cut-out ng kaniyang larawan si Lucy Torres sa cabinet noong teenager pa lamang ito at may crush sa aktor.

“Totoo. Totoo talaga,” pagkumpirma ni Richard sa “Updated with Nelson Canlas.”

Ikinuwento ni Richard na ipinakita ni Lucy ang lumang kuwarto nito sa kaniya noong sinira ng isang bagyo ang bahay ng aktres sa Ormoc noong 1991.

“Binaha 'yong bahay nila so they decided to move do'n sa subdivision dito sa Ormoc City na ginawa ng lolo niya. And then 'yong bahay na 'yon, minaintain pa rin nila. Pero alam mo 'yong in-abandon nila, hindi talaga pininturahan, iniwan lang siya,” kuwento ni Richard.

“So no'ng dumaan kami, sabi niya, ‘this is where we used to live.’ Sabi niya ‘halika, pakita ko sayo,'" sabi raw sa kaniya noon ni Lucy.

Ngunit biglang nahiya si Lucy noong papasok na sila sa kaniyang kuwarto.

“Alam mo 'yong napahinto siya na gano'n. ‘This is my room,’ tapos nakagano'n siya. And then na-realize niya siguro na ‘Hindi ko pa natatanggal 'yong mga cutouts na pinaste ko sa cabinet,'" nahihiya raw na sabi sa kaniya ni Lucy.

Nang tinanong ni Richard kung ano ang mayroon, dito na binuksan ni Lucy ang kaniyang cabinet.

“Pagbukas tawa siya nang tawa kasi no'ng nakita ko talaga, nando'n 'yong GMA pictures ko, nakadikit do'n sa cabinet. Iba-ibang mga photos ko from different movies, from different TV shows.”

Paglalahad ni Richard, laging ipinagdadasal ni Lucy na ipagkaloob sa kaniya ang isang asawa.

"Sabi niya, ‘Lord kung mag-aasawa ko, give me a good husband. Yon ang number 1, give me a good husband. Pero kung pwede bigyan mo ko ng kamukha ni Richard Gomez. Tapos kung talagang papalarin Lord, si Richard Gomez na talaga 'yong ibigay mo sakin.’ Talagang ipinagdasal niya,” ani Richard.

Kaya para kay Richard, nagkatagpo sila ni Lucy dahil sa panalangin nito.

“Pinagdasal niya talaga ko sa Panginoon. Siguro that was what brought me here to Ormoc City, that was what brought me to Lucy, 'yong mga dasal niya.”

Ikinasal sina Richard at Lucy, at nagkaroon ng anak na si Juliana Gomez. – Jamil Santos/RC, GMA News