May praktikal na payo si Rufa Mae Quinto sa unang pagkakataon na makakaharap ang magulang ng kanilang partner. Ayon din sa aktres, nakita ng kaniyang mga biyenan ang kaniyang mga sexy photos na inilabas sa isang magazine.

Sa isang episode ng "Updated with Nelson Canlas," ibinahagi ni Rufa Mae ang kaniyang naging buhay sa Amerika at nagbigay din ng love advices.

Kapag makakaharap sa unang pagkakataon ang magulang ng partner, sabi ng aktres. "Maligo ka para fresh. Una sa lahat, maging presentable ka."

Paliwanag pa niya, "Maging ano ka lang, relax. Tapos magbihis ka nang hindi masyadong bastos, kagaya ko. Para seryosohin ka nilang lahat. Kung baga, kilalanin mo muna ang pamilya."

Ayon kay Rufa Mae, unang pagkakataon na nakilala niya ang kaniyang mga naging biyenan sa Lake Tahoe. At pagkaraan ng tatlong araw ay inanunsyo na nila ni Trevor ang kanilang engagement.

"Siyempre nawindang-windang na ganon," pag-amin niya.

Ayon kay Rufa Mae, ipinakita ni Trevor sa mga biyenan niya ang kaniyang sexy photoshoots sa FHM.

"Parang proud na proud siya sa mga sexy pictures ko. Okay lang naman kasi Americanized na sila," sabi ng aktres.

"So yun ang advice ko: Just go there and be fresh, simple lang," aniya.

Pahabol pa ni Rufa Mae, hindi dapat makaramdam ng pressure. "Kasi ini-invite ka palang naman. Hindi ka pa naman pinapakasalan — charot, di ba?"

"'Wag tayo masyadong umasa na baka feeling natin...kasi may ganun din na feeling. 'Ay pakikilala kita sa magulang, naku, siguro ano na to.' Tapos masasaktan lang tayo. Kaya relax lang. Just go, attend. Makinig, maging totoo lang, diba? Pag may tanong, sagot. Pag wala, eh 'di tahimik," patuloy niya.

Mayroon na ngayon isang anak sina Rufa at Trevor pitong taon makaraang silang ikasal. — FRJ, GMA News