Sa video call nitong Lunes sa "Eat Bulaga," umapela si Miles Ocampo na "napatalsik" bilang dabarkads noong Sabado na bigyan pa sana siya ng isa pang pagkakataon na makabalik sa programa.

Sa pagsisimula ng Eat Bulaga nitong Lunes, ipinakita ni Maja Salvador na ka-video call niya si Miles na maiyak-iyak pa habang kausap ng iba pang dabarkads.

Sabi ni Miles, nasanay na siya sa ganoong oras ay nasa studio na rin siya ng Eat Bulaga kaya naninibago siya na nasa "kuwarto" lang siya matapos na ma-"Bida Ex" noong Sabado at maalis bilang dabarkads.

"Naging routine ko na na ganitong oras na nandiyan na rin ako," saad ni Miles. "Baka may chance pa, mapagmahal naman ako di ba. Sana bigyan niyo ko ng chance na makabalik."

Ang segment na "Bida Ex" ay spin-off sa segment na "Bida Next" ng Eat Bulaga sa paghahanap ng magiging bagong host ng programa.

Naglaban-laban ang mga EB dabarkads sa "Bida Ex" sa pamamagitan ng pagalingan sa performance. Gaya ito ng ginagawa ng mga kalahok sa "Bida Next."

Nitong Sabado, natirang nagpagalingan sina Alan K, Maja at Miles, hanggang sa napiling matanggal nga si Miles, na ging bagong dabarkads lang noong nakaraang Marso.

Pero sa naturang video call nitong Lunes, nagawa pa rin ni Miles na makahirit ng paborito niyang gawin sa Eat Bulaga na mag-knock knock joke.

Mapagbigyan pa kaya siya? Panoorin ang video ng "EB." --FRJ, GMA News