Muling nagbabalik sa telebisyon ang aktres na si Tessie Tomas matapos ang apat na taon na pagtigil niya sa paggawa ng mga serye at pelikula.

Muling nabuhay ang dugong-artista ni Tessie sa kaniyang pagganap sa anniversary episode ng "Wish Ko Lang," ayon sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.

Bago nito, nanirahan na si Tessie sa United Kingdom kasama ang British niyang mister na si Roger Pullin.

Sinabi ni Tessie na nanibago siya sa pag-arte.

"But once you get the ball rolling, parang nakakainit ng laman. Parang gustong gusto mo na," ani Tessie.

Nag-enjoy si Tessie sa usual grind sa set, at ikinatuwa niya rin ang galing ng kaniyang mga kasamahan tulad nina Aleck Bovick, Yvette Sanchez, Paolo Pangilinan, at ang social media influencer na si Sassa Gurl.

Samantala, nagkuwento rin si Tessie tungkol sa huling pagkikita nila sa New York ng pumanaw niyang kaibigan na si Cherie Gil, na matagal niyang nakasama sa isang comedy gag TV show.

"Last year, November, pinatatago niya 'yung health issue niya. Masakit sa dibdib itago 'yung ganu'n, biglang may nangyari. Very sad," anang aktres. —Jamil Santos/VBL, GMA News