Binalikan ng  "StarStruck" 7th Season First Princess na si Lexi Gonzales ang hindi niya malilimutang aral na binanggit sa kanila ng namayapang aktres na si Cherie Gil.

Sa panayam ng Kapuso Showbiz News, ikinuwento ni Lexi, isa mga runner sa "Running Man Philippines," na nasa Korea siya nang mabalitaan niya ang pagpanaw ni Cherie.

Sinabi ni Lexi na nasaktan nang malaman ang malungkot na balita. Tulad ng ibang artista, pangarap niyang makatrabaho muli ang aktres.

Kaya naman binabalik-balikan daw niya sa Youtube ang naging eksena nila ni Cherie nang sampalin at buhusan siya ng juice ng iniidolo niyang aktres sa naturang show.

Nagpapasalamat si Lexi na nabigyan siya ng pagkakataon na makaeksena si Cherie, na pinakapaborito niya sa buong season.

"Nasampal niya 'ko, nabuhusan niya 'ko ng juice. So sabi ko wow! 'Yon pa nga lang masayang-masaya na 'ko," lahad niya.

Hindi raw niya malilimutan ang lahat ng payo sa kanila ni Cherie lalo na ang tungkol sa pagtagal sa showbiz industriya.

Kuwento pa ni Lexi, nang back stage sila ni Kim De Leon para sa last episode ng Startstruck, nang lumapit sa kanila ang mga judge ng show na sina Cherie at Heart Evangelista.

Ayon pa kay Lexi, sinabihan sila na hindi pa iyon ang totoong simula ng kompetisyon. Sa halip, ang "real world" para sa kanila ay ang pagkatapos ng kompetisyon.

Kasunod noon ay binanggit umano ni Cherie sa kanila na, "It is not a race, it's a marathon. So hindi siya pabilisan, patagalan sa industriya."

Nais daw ni Lexi na matularan si Cherie na nananatiling bahagi ng showbiz industry sa napakatagal na panahon.

"I admire her so much. Lahat ng advices she gave sa mga challenge na nagawa namin [sa Starstruck] lahat 'yon tini-treasure ko," saad niya.

Pumanaw si Cherie noong nakaraang Agosto dahil sa sakit. --FRJ, GMA News