Sa kabila ng kanilang bumubuting pagsasamahan sa kanilang mga vlog, nilinaw ni Buboy Villar na "special friends" lang sila ni Jelai Andres.

Sa ginanap na press con para sa pagbibidahang pelikula ni Buboy na "Ang Kwento ni Makoy," nahingian ng komento ang Kapuso comedian tungkol sa dami ng kaniyang mga nagiging ka-love team.

"Nakakatuwa kasi, kumbaga ako 'yung nandito ngayon, ang gaganda nga ng mga ka-love team ko eh. Actually meron pa pong Faith da Silva, meron pa pong Lexi (Gonzales). Ang dami po nila eh. Pero para po sa akin, isa-isa lang, tama lang," biro ni Buboy.

"Chill lang, chill lang, at maging happy tayo dahil meron tayong work," dagdag niya.

Nakakatambalan ni Buboy si Faith sa "All Out Sundays," samantalang naiuugnay din si Buboy kay Lexi sa "Running Man Philippines."

Hindi rin maiwasan ng ilan na maintriga sa magandang pagkakaibigan nina Buboy at Jelai sa mga collaboration ng kani-kanilang mga vlog.

"Of course kay Jelai, si Jelai kasi, sobrang special talaga ni Jelai, sobrang siya na 'yung ka-lokohan ko, pero walang make love po, hindi kaya," paglilinaw ni Buboy.

"But a special friend talaga sa akin at ready ako at andito lang ako para sa kaniya."

Sa pelikula namang "Ang Kwento ni Makoy," katambalan naman ni Buboy ang newbie actress na si Bella Thompson, na ipalalabas sa Disyembre 7.

"Siyempre iba rin naman kay Bella, siyempre si Makoy 'yun eh, si Robert naman po ako," sabi ni Buboy, na gumaganap bilang isang nurse.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News