Bibida si Bea Alonzo sa isang special episode ng ika-20 anibersaryo ng Magpakailanman sa darating na Sabado. Ito rin ang kaniyang kauna-unahang pagganap sa award-winning anthology.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing gaganap si Bea sa kuwento ng isang babaeng dumaan sa ilang nakakikilabot at heartbreaking na mga karanasan.

"It's not just a horror story, it's also about losing a family member, it's also about heartbreak that led to the horror part of the story. So hindi lang siya sigawan, hindi lang siya takutan, but also it's very heartbreaking," sabi ni Bea.

Ayon kay Bea, hindi madaling gampanan ang kaniyang karakter dahil maraming intense at dramatic scenes.

"It talks about faith also, 'yung kung paano natin mas mapananatiling matatag 'yung pananampalataya natin nang sa gano'n hindi ito mangyari sa buhay natin. This is also what I want to share with the world," sabi ni Bea.

Sa direksyon ni Jerry Lopez Sineneng ang special episode, na direktor din ni Bea sa Start Up PH.

Makakasama rin niya ang veteran actress na si Bing Pimentel at Marco Alcaraz.

Nagsisilbi rin itong mini-reunion nila nina Marco, matapos silang huling magkasama sa kauna-unahang teleserye ng aktor.

"Ito 'yung time na naka-bond ko siya. Siyempre isang karangalan na si Bea, first MPK niya then ako 'yung naka-partner niya. Blessing din to work with her again," sabi ni Marco.

Mapapanood na Sabado, Disyembre 10, ang special 20th anniversary episode ng Magpakailanman. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News