Sa pagsalang ni Elijah Alejo sa fast money round ng "Family Feud Philippines," kabilang sa mga tanong ay magkano ang ibibigay niya sa inaanak ngayong Pasko. Ang naging sagot ng aktres, kinaaliwan ng netizens.

Nakalaban ng Elijah at kaniyang pamilya sa naturang episode kamakailan ang kapuwa niya Kapuso na si Althea Ablan, at pamilya nito.

Pero ang pamilya ni Elijah ang nagwagi sa elimination round at nanalo ng P100,000. Sila rin ang sumabak sa fast money round, para madagdagan ang kanilang premyo.

Kasama ni Elijah na sumagot at unang sumalang sa fast money round ang pinsan niya na si Erika, na nakakuha ng 87 points.

Dahil dito, kailangan ni Alijah na makakuha ng 113 points para maabot ang kailangang 200 points para sa karagdagang premyo.

Ang isa sa limang tanong, 'Ngayong Pasko, magkano ang ibibigay mo sa iyong inaanak?" Ang naging sagot ni Elijah, "P20."

May mga netizen na ginawang meme ang naturang sagot ni Elijah para sa kanilang mga inaanak.

Ang host ng show na si Dingdong Dantes, napangiti rin sa sagot ni Elijah. Binati pa niya ang mga inaanak ng aktres.

Ayon kay Dingdong, P100 ang top answer sa naturang tanong.

Sabi ni Elijah, "Halatang hindi ako nakakakuha ng P100 eh."

Alamin kung ilang points ang nakuha ni Alijah sa naturang tanong, at kung nakuha ba nila ang kabuuang 200 points. Panoorin ang video.--FRJ, GMA Integrated News