Wala pa ring papantay sa talas ng tambalan nina Jose Manalo at Wally Bayola nang masagot nila sa loob lang ng 22 segundo ang pinapahulaang salita sa segment na Pinoy Henyo ng "Eat Bulaga."

Sa episode nitong nakaraang Sabado, may katumbas na P20,000 ang premyo kung mahuhulaan nina Jose at Wally ang salitang "Crispy Pata."

Si Wally ang tagapagbigay ng clue, habang si Jose naman ang huhula ng tamang salita.

Nang malaman ni Jose na pagkain ang salita, tinanong niya si Wally kung kinakain nila ito. Tumugon ng "Oo" si Wally, at sinundan ni Jose ng tanong kung diet food ito. Nang sabihin ni Wally na hindi, tinanong ni Jose kung nakaka-high blood ba ang pinapahulaang salita.

Nang sumagot uli si Wally ng "Oo," tinanong ni Jose kung piniprito ang pinapahulaang salita. Nag-Oo uli si Wally, at buong kompiyansa si Jose na "crispy pata" ang isinagot.

Panoorin ang naging reaksiyon ng mga dabarkads sa mabihis na pagkakahula ni Jose at Wally na inabot lang 22 segundo. Pero magtuloy-tuloy kaya ang buwenas nila sa jackpot round? --FRJ, GMA Integrated News