Hindi inatrasan ni Marian Rivera ang mga maiinit na tanong sa first episode ng "Fast Talk with Boy Abunda." Ano kaya ang gagawin niya kapag may "umaaligid" sa kaniyang mister na si Dingdong Dantes, at totoo bang selosa siya? Alamin.

"Deadma... sa ngayon," sagot ni Marian sa tanong ng King of Talk na si Boy Abunda.

Sa tanong na ano sexiest part ng katawan ni Dingdong, "Chest" ang mabilis na sagot ng Kapuso primetime queen.

Itinulad naman ni Marian ang primetime king na si Dingdong sa isang leon kung nagiging isang uri ng hayop ang mister sa gabi.

Pakiramdam din ni Marian na sexy siya sa tuwing hinahalikan ni Dingdong ang kaniyang paa.

Sa tanong kung selosa ba siya, sinabi ni Marian na "depende." Inihayag din ng aktres na walang laban na hindi niya kaya.

Muling inihayag ni Marian na bukas siya sa pagkakaroon ng ikatlo nilang anak ni Dingdong, at sumagot ng "both" kung boy o girl ang kanyang pipiliin.

"Every morning, sinasabi ko talaga, ang dream ko talaga is to have a complete family which is I don't have talaga before," anang Kapuso Primetime Queen.

"Every morning, gumigising ako na nandiyan 'yung dalawang anak ko and Dong na sabi ko 'Lord, salamat sa pagpapala at biyayang ito.'" --FRJ, GMA Integrated News