Maiinit na tanong ang sinagot ni Barbie Forteza nang sumalang siya sa segment na Fast Talk sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes.

Kabilang sa mga tanong ay konektado sa kaniyang nobyong si Jak Roberto, at sa ka-love team niyang si Fidel na si David Licauco sa Kapuso series na "Maria Clara at Ibarra."

"Abs ni Jak o abs ni David," tanong ni Tito Boy.

Nakangiting sagot ni Barbie, "It's not what I'm after."

"Yakap ni Jak o yakap ni David," patuloy ng King of Talk." Sabi ni Barbie, "Ang ganda ko naman, both."

Sa tanong na "Halik ni Jak o halik ni David?," simpleng sabi ng aktres, "I haven't kissed David."

Nang tanungin naman si Barbie kung kanino siya pinaka-kinilig sa kaniyang mga naging leading man," sinabi ng aktres na, "Lahat eh."

Pero nang tanungin kung sino sa mga naging leading man ang nanligaw sa kaniya, natatawang sinabi ni Barbie na, "Kalahati."

Ayon pa kay Barbie mula sa kaniyang mga sagot sa tanong ni Tito Boy, magkapareho sila ng kaniyang karakter na si "Klay," sa pagiging hardworking.

Samantala, pareho naman daw silang maganda ni Maria Clara.

Ang pagiging bubbly umano niya ang posibleng dahilan kung bakit gusto siya ng mga tao. Habang ang pagiging "a little bit of mataray" ang maaaring maging dahilan kung may taong ayaw sa kaniya.

Kung magiging lalaki, nais daw ni Barbie na maging kamukha niya si Dennis Trillo, na nais din daw ni Tito Boy.

Kung nasa harap kaya niya ngayon si Dr. Jose Rizal, ano ang sasabihin ni Barbie? Alamin ang sagot ng aktres at iba pang maiinit na tanong sa video ng "Fast Talk..."--FRJ, GMA Integrated News