Inilahad ni AiAi delas Alas ang dahil kung bakit pinili na nilang manirahan ng asawang si Gerald Sibayan sa Amerika kahit maayos naman ang buhay nila rito sa Pilipinas.

"Kaya mo naman dito sa Pilipinas, kaya mong mabuhay dito nang maayos, bakit nananatili ka sa Amerika?" tanong ni Tito Boy kay AiAi sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.

"Una sa lahat, dahil kay Gerald kasi pinetition ko siya roon. Kasi noong araw ayaw ni Gerald magpa-petition kasi, 'di ba nagpiloto siya. Dumating 'yung panahon na gusto niya magpiloto siya rito," panimula ni AiAi.

Ayon kay AiAi, nakukulangan umano si Gerald sa kinikita nito para matustusan ang binubuo nilang pamilya.

"Pagka-graduate niya, biglang nag-lockdown, pumayag na siyang i-petition ko siya. Kasi sa totoo lang din, dito naman, hindi niya ako kayang buhayin sabi niya, kasi magkano lang ba suweldo niya rito as coach? Hindi pa naman siya piloto no'n, siya pa 'yung nagbabayad ng tuition ni [Seth] Andre," anang Kapuso Comedy Queen.

Isa si Andre sa mga anak ni AiAi.

Mas pipiliin pa rin daw ni Gerald na tugunan ang pangangailangan ni AiAi.

"At least sa Amerika kaya niya akong buhayin kasi mas mataas ang suweldo niya sa akin," saad niya. 'Yung siya 'yung nagbabayad ng ganito, siya 'yung nagbabayad ng ganiyan,” sabi ni AiAi.

Nagtatrabaho rin si AiAi sa Amerika bilang isang activity director.

"Isa 'yon sa gusto ko namang mangyari kasi binigay sa akin ni Lord na 'Dito ka magtrabaho kasi kilala kita.' 'Yung ibang naging pagkukulang ko sa biological mom ko tsaka sa nanay ko, naibibigay ko roon lahat,” saad niya.

Nauna nang sinabi ni AiAi na binubuno na niya ang kaniyang pagiging isang green card holder, na 2015 pa niya nakuha.

Planado na rin ang plano niyang pagbubuntis sa pamamagitan ng surrogacy. --FRJ, GMA Integrated News