Pabirong sinagot ni AiAi delas Alas ang ilang pumupuna kung bakit napili siyang maging judge sa Kapuso singing contest na "The Clash."

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, napuno ng tawanan sa studio nang si AiAi na ang magpresenta kung ano ang pag-uusapan nila ni Tito Boy.

“Pag-usapan natin siyempre ‘yung The Clash. ‘Di ba palagi nilang kinukuwestiyon, bakit ako judge sa 'The Clash?'"

“Talagang ikaw nang nagtatanong sa sarili mo?” sabi ni Tito Boy.

“Oo, tatanungin ko talaga ang sa sarili ko, 'AiAi bakit?'”

“Ang sagot," patuloy ng Kapuso Comedy Queen. "Hindi niyo lang alam? Ano ba, PGT pa lang judge na ako, one, two, three and four. Nako manood kayo ng YouTube. Tapos The Clash, one, two, three, four, five. Five seasons na ngayon pa kayo nagtanong bakit? Season 1 hindi kayo nagtatanong, hello?"

Biniro rin ni AiAi ang mga kapwa niya judge sa The Clash na sina Lani Misalucha at Christian Bautista, na silang dapat daw na pagdudahan.

"Tapos sabi ko, bakit ako ang pinagdududahan niyo. Hindi niyo pagdudahan si Christian, o si Lani, ako totoong singer talaga ako," patuloy niya.

Giit pa ni AiAi kay Tito Boy, mayroon talaga siyang karapatan na maging judge sa The Clash.

"Manood kayo ng Youtube doon sa mga nagkukuwestiyon," birong hirit pa niya. --FRJ, GMA Integrated News