Inamin ni Vin Abrenica na naapektuhan din siya sa hiwalayan ng kaniyang kuyang si Aljur sa asawa nitong si Kylie Padilla. Sa kabila nito, nananatili raw silang close at wala silang ilangan ni Kylie.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong ni Tito Boy si Vin kung nagkakailangan sila ni Kylie, lalo ngayong magkatrabaho sila sa upcoming Kapuso fantasy series na “Mga Lihim ni Urduja.”

“No,” sagot ni Vin. “Ishi-share ko lang, para you get a glimpse of how me and Kylie, our relationship is. We bring our children sa mall to play as a date. We go out like that.”

Patuloy ng aktor, “And also Kylie noon, noong nakatira ako kay kuya and Kylie was always on my brother’s place, lagi silang nandoon. Somehow tumira rin kami together ni Kylie in one house.”

Dahil sa pagiging malapit kay Kylie, sinabi ni Vin na naapektuhan din siya nang maghiwalay sina Kylie at Kuya Aljur niya noong 2021.

“Imagine niyo na lang, we’re super close.  So kung ano man ang nangyayari… Oh my God. Kung ano man ang nangyayari sa kanila I got so hurt with that. I got so affected,” anang Kapuso actor.

“But kung ano man ang nangyayari sa kanila, wala kaming ilangan ni Kylie. We’re close,” dagdag ni Vin.

Nauna na ring inihayag ni Kylie na wala rin silang ilangan ni Vin.

"Masaya. I mean it's a good way din to, 'di ba? Get all the things behind us. I mean, hindi naman 'yun makakaapekto sa trabaho," sabi ni Kylie.

Matapos ikasal noong 2018, naging usap-usapan ang pagkakamalabuan ng relasyon nina Kylie at Aljur.

Kinalaunan, kinumpirma ng ama ni Kylie na si Robin ang problema sa pagsasama ng mag-asawa.

Sa isang panayam sa kaniya sa Updated with Nelson Canlas, sinabi ni Kylie na naramdaman na niyang papunta sa hiwalayan ang relasyon nila ng aktor.

Sa kabila ng kanilang paghihiwalay, nagtutulungan daw sina Kylie at Aljur sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. --FRJ, GMA Integrated News