Inihayag ni Buboy Villar kung gaano ka-caring na tao si Jelai Andres na inaalam pa kung nakauwi na siya nang maayos. Na-fall na nga kaya si Jelai kay Buboy, o si Buboy ang na-fall kay Jelai?

Sa programang "The Boobay and Tekla Show," sinagot ng dalawa na aminadong malapit sila sa isa't isa, ang mga tanong kagaya ng kung sino sa kanila ang madaling maka-move on at ma-fall.

Ayon kay Jelai, siya ang mabilis na maka-move on, bagay na kinontra ni Buboy.

"Hindi ka mabilis maka-move on," sabi ni Buboy. "Sabi mo mabilis kang maka-move on, eh ano yung mga panahon na mukha kang bugok?

Sinabi ng comedianne na isang taon bago siya naka-move, matapos naman ihayag naman ni Buboy na tatlong taon bago siya naka-move sa isang relasyon.

Samantala, itinuro rin ni Jelai si Buboy na mas mabilis ma-fall sa kanilang dalawa.

Inamin ito ng aktor sabay giit pa rin na mabilis pa rin siyang maka-move on.

Saad ni Jelai, na-fall sa kaniya si Buboy pero ayaw lang umamin.

Pagdating sa kung sino sa kanila ang matinding magmahal at matinding masaktan, itinuro ni Buboy si Jelai. Personal daw niya itong nararanasan kahit bilang isang kaibigan.

"Ako nga lang na best friend sobrang care niya sa akin. Kapag magkasama kami, tsine-check niya kung nakauwi na ako. Eh ako hindi ako ganun, so may effort talaga siya. What if kung karelasyon [pa] niya talaga," paliwanag ni Buboy.

Tanong tuloy ng ibang host ng programa kay Buboy, baka may gusto talaga si Jelai sa kaniya.

Ayon kay Jelai, ganun lang talaga siya mag-care sa mga tao sa paligid at malapit sa kaniya.

Pero sino kaya ang celebrity crush ni Jelai na ibinisto ni Buboy na ini-stalk umano ng comedianne? Alamin sa video. -- FRJ, GMA Integrated News