Balik-pelikula si “Star for All Seasons” Vilma Santos-Recto at muli niyang makakatambal ang isa sa matagal na niyang leading men na si Christopher "Boyet" de Leon. Masaya rin ang aktres sa paggaling ni "Superstar" Nora Aunor.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras, sinabing paalis sa Marso si Vilma patungong Japan para sa shooting ng pelikulang muli nilang pagtatambalan ni Christopher.

“It’s a love story, pero sa edad namin. And I’m so excited kasi after six years,” sabi ni Vilma.

Bukod dito, muling tumatanggap ng mga endorsement ang dating Batangas 6th District Representative.

Sobrang ikinatutuwa rin ni Vilma na pinaglaanan niya ng oras ang kaniyang lola at mommy duties.

“I’m still enjoying the baby. Magtu-two months pa lang si Peanut… Maarte! ‘Yung mga posing niya. Sabi ko, naku mana ito sa akin! Mag-aartista ‘yung apo ko,” sabi ni Ate Vi.

Nasa maayos na kalagayan naman ang anak niyang si Luis sa gitna ng hinaharap nitong problema.

Matatandaang naging emosyonal si Vilma sa panayam niya kay Boy Abunda hinggil sa sitwasyon ni Luis.

“Tao pa rin ako. There are some instances na hindi mo makontrol what you feel inside, and I don’t mind sharing it,” sabi ni Vilma.

Nagbigay din ng pahayag si Ate Vi tungkol sa inamin ng kumare niyang si Nora Aunor na namatay aniya ito ng tatlong minuto noong Disyembre habang nasa ospital.

“Definitely I don’t feel good, kahit sabihin mong may mga ganiyang rivalry. I mean, she’s still a friend. In fact there was a time na sana paplanuhin ko na dumalaw just to check on her. Pero I think she’s getting better and I’m happy for that,” sabi ni Ate Vi.

Sinagot din ni Vilma ang tanong kung muli siyang tatakbo sa politika.


“If it’s meant na pupuwede pa uli at makakabalik ako as a public servant, why not ‘di ba? Pero kung hindi naman, as of now, ini-enjoy ko rin ang pagiging isang may pribado nang buhay.”--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News