Inihayag ni Julie Anne San Jose na "importante" sa kaniyang buhay at "mahal" niya si Rayver Cruz. Ang binata, ipinagtapat din ang nararamdaman sa dalaga.

Nitong Huwebes, napuno ng kilig ang studio ng “Fast Talk with Boy Abunda” dahil sa mga sagot nina Julie at Rayver sa mga maiinit na tanong tungkol sa estado ng kanilang relasyon.

Tinanong ni Tito Boy kung ano ang tawag ni Rayver kay Julie.

“Juls. Pero sa totoo lang ang tawag ko sa kaniya ay ‘My Love,’” sagot ni Rayver.

“Pumpkin kasi ang tawag ko sa kaniya. Pumpkin and ‘Love,’” sagot naman ni Julie.

Tinanong din ng King of Talk si Rayver kung sino si Julie sa kaniyang buhay.

"Siya lang ‘yung nag-iisang babae ngayon sa buhay ko Tito Boy,” tugon ng Kapuso actor.

“And Tito Boy, mahal ko po si Julie,” hirit ni Rayver.

Ibinato rin ang tanong kay Julie, at nagbigay naman ng matamis na sagot ang dalaga.

“Importante at mahal ko,” sabi ni Julie.

Inihayag din ni Rayver na ang kantang “Pag-ibig Na Kaya” ang theme song nila ni Julie.

“Pag-ibig na kaya? Ano ang sagot doon?” tanong ni Tito Boy sa binata.

“Oh yes, super pag-ibig,” tugon ni Rayver.

Hindi na aniya matiis ni Rayver na hindi tawaging “Love” o “Mahal” si Julie.

“‘Yun po ‘yung tawag ko sa kaniya talaga kasi ine-express ko po Tito Boy every day. Parang nahihirapan na po ako kapag hindi ko sinasabi na ‘Love, Mahal,’” sabi ni Rayver. -- FRJ, GMA Integrated News