Binalikan ni Kokoy de Santos ang panahon na nawala siya sa tamang landas dahil sa pag-ibig. Umabot umano siya sa puntong hinabol pa rin niya ang dating nobya kahit pa nag-cheat ito sa kaniya.

"May isang point sa buhay na nawala ako since first time ko sigurong ma-inlove. Binuhos ko lahat, pinaikot ko ang mundo ko [sa kaniya]," kuwento ni Kokoy sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.

Ngunit nagawa pa rin daw siyang lokohin ng kaniyang karelasyon.

"Pero eventually, siguro ilang years din kami noon. Nalaman ko kasi na nag-cheat. Parang binagsakan ako ng mundo rin, na parang, binigay ko rito lahat, tinalikuran ko. Umabot ako sa point na tumatanggi ako sa mga project na dati ako naghahabol," ani Kokoy.
Umabot pa sa puntong si Kokoy pa ang naghabol sa babae.

"Naghabol pa ako Tito Boy, twice. Pinush ko pa rin kasi, sayang eh. Mahal ko tsaka, bobo [ako] sa pagmamahal eh," pag-amin ng Kapuso actor.

Dumating sa puntong napagod din si Kokoy sa nakarelasyon noon, dahil natatalikuran niya na rin ang kaniyang pamilya.

"Hinabol ko pa rin, pero noong sabi ko 'Napapagod na ako, doon ako 'Ayoko na. Masyado na.' Pati pamilya ko, ayan na naman, natatalikuran ko. Pati 'yung trabaho ko, lahat ng ibang nagpapasaya sa akin, niloloko ko na lang ang sarili ko. Ayun ang nagpa-realize sa akin na tama na," paglalahad niya.

Sa kabila ng mga pangyayari, hindi iniwan ng kaniyang pamilya si Kokoy.

"Kinaya ko dahil din sa pamilya ko na sila rin ang bumack up sa akin," ayon sa aktor.--FRJ, GMA Integrated News