Kritikal ang isang babae matapos siyang masalpok ng motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane sa Barangay Caniogan, Pasig.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV ang pagtawid ng babaeng biktima sa pedestrian lane nang biglang dumating ang isang motorsiklo at nabangga siya.

Dahil dito, tumilapon ang babae pati ang rider.

Dumating kalaunan ang ambulansiya ng barangay at rescue truck para dalhin sa ospital ang biktima at nakabanggang rider.

Kritikal ang lagay ng babae habang nagising sa ospital ang rider.

Sabi ng rider sa pulisya, hindi na niya maalala ang insidente.

Inaresto ang rider at mahaharap sa reklamong serious physical injuries.

Inisyuhan na ng Land Transportation Office ng show cause order ang rider, habang inilagay sa alarm status ang kaniyang motorsiklo at lisensiya.

Sinusubukan pang kunan ng pahayag ang rider. — Jamil Santos/VBL GMA News