Ikinuwento nina Mike ‘Pekto’ Nacua at John Feir kung papaano aksidenteng nabuo ang comedic tandem nila na sina Cookie at Belly dahil sa comedy show na “Nuts Entertainment.”

Sa online talk show na “Just In” na host si Paolo Contis, inilahad nina Mike at John, na una silang nagkakilala sa sitcom ng Kapuso Network na “Beh Bote Nga” bilang bahagi ng production team.

“Doon kami nagkakilala, si Pekto. Doon kami nagkaroon ng intimate relationship,” birong kuwento ni John.

“Wala naman nangyaring relasyon sa amin or something, hindi totoo ‘yan!” sabi ni Pekto habang patagong hawak ang kamay ni John.

Hanggang sa maging bahagi si Mike ng comedy program na “Nuts Entertainment,” na assistant sa programa si John.

Kuwento ng dalawa, ginawan ng parody segment ng "Nuts Entertainment" ang dating GMA-7 show na “30 Days,” at ginawang “30 Gays.”

Pero sa halip na 30 gays, lima lang ang natirang contestants, kabilang si John, dahil kunwaring naaksidente ang iba.

Sa isang taping ng "Nuts Entertainment," inabot umano ng madaling araw at wala nang makuhang talent kaya napasabak na ang dalawa sa pagbibihis beki.

“Si Tito Joey, galit na galit, alas tres ng umaga. ‘Tapusin na natin ‘to!’” natatawag kuwento ni John. “‘John Feir! Ikaw na ang magbakla dito, para matapos na tayo! Kanina pa tayo!’”

“‘Anong gagawin ko Tito Joey?’” tanong ni John kay Joey. “Magbakla ka lang. Magbakla ka lang diyan tapusin na ‘yan,’” sabi umano sa kaniya ni Joey.

“Gumanu’n lang ako (ngumiwi). And the rest is history,” sabi ni John na nakilala bilang si "Belly."

“‘Yun na kami, nakatayo na kami sa likod,” kuwento naman ni Pekto na may pangalang Cookie.

Ipinaliwanag nina Mike at John kung bakit tinawag silang sina Cookie at Belly.

“Ako ‘Belly,’ kay Tita Bella Flores. Respeto ko kay Tita Bella,” sabi ni John.

Samantalang si Joey naman ang nagbigay ng pangalan na “Cookie” kay Pekto.

Nagsimula ang kanilang tandem nina Cookie at Belly sa “Balakubak” segment ng Nuts Entertainment. Bukod dito, sila rin ang ipinadadala sa GMA Regional TV.

“Kahit saan kami magpunta, Cookie Belly,” ani Mike.

“Hindi ko alam kung inayusan niya ako o ginulo niya ako eh,” biro naman ni John tungkol sa pag-aayos sa kaniya ni Mike bilang si Belly.

Nakapag-guest na rin sa Nuts Entertainment si Bella Flores, at nakaharap ang impersonator nitong si Belly.

Nakatanggap daw si John ng maanghang na mura sa beteranang aktres, hindi bilang pambabastos kundi paghanga sa kaniyang impersonation.

“Doon ko nakita ‘yung respect niya. Kasi kung wala (mura), parang walang dating,” sabi ni John. —FRJ, GMA Integrated News