Para sa batikang aktres na si Amy Austria, handa niyang unawain ang baguhang o kabataang artista kung hindi man siya batiin nito.

Sa episode na "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules, sinabi ni Amy na "guity" rin naman siya noong kabataan niya na hindi rin niya kaagad nababati ang mga senior star.

Pero paliwanag ni Amy, hindi siya kaagad bumabati sa katrabaho nitong senior stars dahil nahihiya at natatakot siya.

"'Yung mga mas matatandang artista, nahihiya akong mag-approach o natatakot ako kasi, unang una, hindi ko nga alam na puwede pala akong maging artista. Siyempre takot din ako in a sense na ibang level sila eh, mataas masyado ang pagtingin ko. Kaya babati ba ako o hindi, gaganyan ba ako?' Pero kapag nakita mong approachable naman, 'Good evening po!' 'Good morning po!' ganiyan," kuwento ni Amy.

"Nagtatantiya-tantiya ka. Tapos pagdating na lang sa kung magkaeksena kayo, 'Hello po.' Siyempre pagbubutihan mo na lang para hindi mainis sa 'yo," dagdag niya.

Mauunawaan daw ni Amy kung hindi rin siya agad batiin ng mga nakakasama niyang mga bata o baguhang mga artista.

"Siyempre ang mga bata, lalo na mga bata 'yan eh. Hindi mo alam kung paano sila lumaki. Baka natatakot. Lalo na ako, minsan ang roles ko mga kontrabida, may image akong mataray, baka mamaya meron silang gano'n, hindi natin alam. Baka may istorya sila sa buhay nila, may problema," paliwanag niya.

Kaya naman si Amy na raw kung minsan ang unang bumabati.

"Ako pagka ganu'n, 'Hello! Hi anak!' Ako si Amy Austria, ako 'yung lalabas na ano mo rito.' Kung kinabukasan ganu'n pa rin, hindi pa rin siya lumalapit, 'Ay hello!' Uulitin ko," natatawa niyang sabi na uulitin na lang niya ang pagbati.

Bahagi ng cast si Amy sa Kapuso series na "Hearts on Ice," kasama sina Ashley Ortega, Xian Lim, Tonton Gutierrez, Rita Avila, Cheska IƱigo, Lito Pimentel, Roxie Smith, Ina Feleo, Kim Perez, Ruiz Gomez at Skye Chua. -- FRJ, GMA Integrated News