Nasa pagamutan ang anak nina Rodjun Cruz at Dianne Medina na si Joaquin dahil sa dengue.

Sa Instagram, nag-post si Rodjun ng mga larawan at video ni Joaquin habang nagpapagaling sa ospital.

Makikita si Joaquin na may hawak na iPad at masaya kahit may nakalagay na suwero sa kaniyang braso.

"Our very brave boy @babyjoaquinilustre. Love you anak! Asking for healing prayers for Baby Joaquin. [heart, prayer emojis] dengue +," saad ni Rodjun sa caption ng post.

Nag-post naman ng komento at reaksyon ng emojis ang kaniyang followers at mga kapuwa celebs. Kabilang ang kaniyang kapatid na si Rayver Cruz na naglagay ng praying at heart-eyes emojis.

 

 

Sabi naman ni Sunshine Cruz, "Get well soon inaanak!!"

Mensahe naman ni Maja Salvador, "feel better baby joaquin."

Saad ni Lani Misalucha, "Oh my gosh baby. Feel better soon. Just prayed for you."

Nagpaabot din ng kanilang pagmamahal at dasal sina Rochelle Pangilinan, Winwyn Marquez, EA Guzman, Pancho Magno, Lovely Abella-Manalo, Therese Malvar, at Geneva Cruz.

Sa hiwalay na post ng video ni Rodjun na kasama niya si Joaquin, nagpasalamat ang aktor sa mga nagpaabot ng pagmamalasakit sa kaniyang anak.

"Thank you everyone for your prayers & Love for @babyjoaquinilustre. Thank you Lord for everything!," ani Rodjun sa caption.

 

 

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), tumaas ang dengue cases sa first quarter ng 2023 ng 94% kumpara sa kaparehong panahon noong 2022.

Ang dengue ay nakukuha sa kagat ng lamok na tinatawag na aedes aegypti, na karaniwang makatira sa mga tubig na hindi dumadaloy. (Read: Paano nga ba makakaiwas sa dengue virus?) --FRJ, GMA Integrated News