Inihayag ni Jo Berry na grateful siya na nakasama niya sa proyektong “Onanay” si Nora Aunor, dahil sa mga aral na itinuro ng “Superstar” sa kaniya, lalo ang pagpapakumbaba at pagmamahal sa fans.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, binalikan ni Jo nang makaeksena niya si Nora sa kaniyang kauna-unahang TV series at baguhang artista pa lamang siya.

“Hindi po talaga madali kasi siyempre ‘yung kaba ko sobra-sobra every day. Naalala ko noon, kahit ‘yung lines na hindi na sa akin kabisado ko. Tapos paminsan nawawala ako, nagmu-murmur ako ng lines nila kasi hinihintay ko ‘yung akin,” sabi ni Jo.

“Kasi ayoko pong magkamali dahil Nora Aunor ito. Sabi ko talaga gusto ko kabisado ko lahat. Kaya sobrang grateful po ako siya ‘yung nanay ko sa ‘Onanay’ kasi sobrang ma-give po, inalalayan ako the whole time since bago nga po ako noon sa acting,” saad pa ng Kapuso actress.

Dama na raw agad ang emosyon ni Nora kahit sa mga mata pa lamang nito.

“Kapag napatingin pa lang po ako sa mata niya, feeling ko kahit hindi nakakaiyak ‘yung eksena maiiyak ako,” sabi ni Jo.

Kaya naman hindi niya rin maitago ang kaniyang pagka-starstruck sa tuwing ka-eksena si Ate Guy.

“Iba po. Sobrang bait and sobrang ma-give sa scenes kaya nagawa ko rin po nang maayos kasi siya nga ‘yung kaeksena ko. Starstruck nga po ako. Itinatago ko lang lagi kasi baka magkamali na ako kapag nauna ‘yung pagka-starstruck ko sa kaniya.”


Hindi naman malilimutan ni Jo ang payo sa kaniya ni Nora na magpakumbaba at laging pasalamatan ang fans.


“Palagi po niya akong pinapaalalahanan na dapat ‘Humble ka lang anak, mahalin mo ‘yung mga fans kasi kung hindi dahil sa kanila hindi magtutuloy-tuloy ‘yung mga projects mo ngayon and nandiyan sila lagi to support you,” ani Jo.

“Noong sinabi niya po sa akin ‘yon, na-realize ko na ‘Kaya pala Nora Aunor siya. Kasi ganoon siya kabait.’”

Pag-alala pa ni Jo, pumupunta raw ang fans ni Nora sa taping.

“Nakikita ko po kung paano niya i-accommodate. Sobrang loving po.”

Hindi rin niya malilimutan na naging close sila ni Nora, kaya mas napadali sa kaniya ang pag-deliver ng mga eksena.

“Dahil ang closeness nga po namin off-cam is magnanay na, sobrang kumportable na po ako. Tsaka sinasabi ko sa kaniya, ‘Nanay kinakabahan ako sa eksena.’ ‘Hindi anak ang galing-galing mo,’ lagi niya pong sinasabi sa akin. So ako, ‘Kaya ko ito kasi sinabihan niya ako na magaling ako,'” kuwento ni Jo.

Ayon kay Jo: “Kung hindi siya ‘yung nanay ko rito siguro iba po ‘yung lumabas na Jo Berry sa Onanay. Kaya very lucky po ako siya ‘yung nanay ko sa Onanay.”

--FRJ, GMA Integrated News