Nasorpresa ang "Eat Bulaga" dabarkads nang sabihin ng "Abot Kamay Na Pangarap" actor na si Chuckie Dreyfus na siya ang sumulat ng isa sa mga sikat na awitin ni Rachelle Ann Go.

Ginawa ni Chuckie ang rebelasyon sa isang episode ng “Bawal Judgmental” segment ng Eat Bulaga, kung saan isa sa guest choices ang aktor tungkol sa mga artistang nagbalik-showbiz matapos magpahinga ng ilang taon.

Sa tanong na kung sino sa mga guest choices ang songwriter, tumama ang hula ng kalahok nang piliin niya si Chuckie.

Ayon sa aktor, marami na siyang kanta na naisulat pero ang isa sa mga pinaka-kilala dahil madalas na kantahin sa mga karaoke at videoke ang "Bakit" ni Rachelle Ann Go.

"Ikaw pala nagsulat no'n," sambit ni Alan K, na nagsabing alam niya na may recording studio sa bahay si Chuckie.

Ayon sa aktor, "Nung time na nag-break ako sa showbiz, nagtayo ako ng recording studio. Tapos nag-i-score [music] din ako ng movie and TV noon."

Sinabi ni Chuckie na tumigil siya sa pag-aartista noon nang nahirapan na siyang mag-transition sa adult roles mula sa pagiging child star.

Taong 1998 umano nagpahinga sa showbiz si Chuckie, at nagsimulang bumalik noong 2011 nang sumali siya sa “Survivor Philippines.”

“Nagpahinga na ako. I decided pahinga muna ako and then noong break na ‘yon… Doon na rin ako nag-asawa, nagkaroon ng pamilya and nag-business ng kaunti,” anang aktor.

--FRJ, GMA Integrated News