Hindi napigilan ni Michael V. na mapaiyak habang nostalgia ang naramdaman ng iba pang Kapuso stars matapos nilang mapanood sa big screen ang “Voltes V Legacy: The Cinematic Experience.”

“Kasisimula pa lang, napaiyak na ako. Tapos noong actual na volt-in sequence, hindi ko na napigilan, bumigay na ako,” sabi ni Michael sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras" nitong Miyerkoles.

“Grabe! Alam ko namang maganda pero hindi ko in-expect na ganoon ka-bongga,” sabi ni Andrea Torres.

Para naman sa iba pang Kapuso stars, tila nagbalik daw ang isang minahal nila matapos mawala nang mahabang panahon.

“Nakakaiyak kasi childhood cartoons mo ito eh,” sabi ni Gabby Eigenmann.

“Growing up ‘yun talaga ang kinalakihan ko sa TV, sobrang tuwa ako,” sabi naman ni Dingdong Dantes.

Lumabas na may mga ngiti ang mga bida ng Voltes V: Legacy pagkatapos ng advanced screening nitong Martes.

Proud sa resulta ng kanilang live action series ang mga bida nitong sina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Radson Flores, Raphael Landicho at Matt Lozano.

Naluha rin ang cast, na hindi mailarawan ang kanilang naramdaman matapos mapanood sa sinehan ang proyektong ilang taon nilang pinaghirapan.

“I’m so overwhelmed. Siyempre it’s been so long,” sabi ni Ysabel.

“Hindi ko mapigilan ‘yung tears ko throughout the movie. I’m just so proud of everyone,” sabi ni Elle Villanueva. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News