Pumanaw na ang K-pop star na si Moonbin, miyembro ng boy band na Astro, sa edad 25, ayon sa kaniyang music label na Fantiago nitong Huwebes.
 
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing binanggit ng lokal na media ang ulat ng pulisya na natagpuang hindi na tumutugon si Moonbin Miyerkoles ng gabi sa apartment nito sa Gangnam sa Seoul.
 
"On April 19, Astro member Moon Bin unexpectedly left our world and became a star in the sky," saad sa isang pahayag ng Fantagio sa opisyal na Twitter page nito.
 
Hindi inilahad ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.
 
Hiniling din sa pahayag na "refrain from speculative and malicious reports" upang makapagluksa at mapayapang maalala ng kaniyang pamilya si Moonbin.
 
Si Moon Bin, na nagtatanghal bilang si Moonbin, ay nagtanghal din sa sub-group na Moonbin & Sanha.

Nagpunta sina Moonbin at Sanha sa Pilipinas nitong Marso para sa isang fan concert.
 
Sumali si Moonbin sa trainee program ng label ng Fantagio sa murang edad at nag-debut sa grupong Astro noong Pebrero 2016, na may anim na miyembro noong mga panahon na iyon.
 
Ilan pang K-pop stars ang pumanaw sa mga nagdaang taon, kabilang ang dalawang insidente umano ng pagpapakamatay sa loob ng isang buwan noong 2019.

Ang dalawang magkaibigang babae, na malapit na magkakaibigan, ay naging tampulan ng matinding online bullying. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News