Inihayag ni Dingdong Dantes na ibang-iba talaga ang relasyon nila ni Marian Rivera noong nagsisimula palang silang magtambal sa mga proyekto. At dahil mahilig daw mang-asar ang aktres, sinabi ng aktor na naisipan din niyang asarin ito tungkol sa cellphone load.

 “Unang una po, hindi sa Palawan nangyari ‘yon. Si Marian minsan may pagkalimutin,” natatawang sabi ni Dingdong sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Noong nag-uumpisa kami, we had different relationships at that time. Talagang very, very professional po kami, may love-hate relationship kami sa set. Kasi si Marian sobrang mapang-asar talaga, kahit kanino, lalong lalo na sa akin,” pagpapatuloy ni Kapuso Primetime King.

Hindi pa uso noon ang mga navigation application, kaya nagpasya si Dingdong na ibigay kay Marian ang mga direksyon papunta sa lokasyon ng kanilang taping.

“May change location kami, nauna ako. Medyo masukal ‘yung pinuntahan namin na kailangan may landmarks. Sabi ko, ‘Sa mga susunod, magbibigay na lang ako ng tip kasi baka mamaya may bangin dito, dito kami puwede mag-park, malubak diyan etc.’”

Ngunit hindi umano nag-reply sa kaniya si Marian.

“So I messaged her in good faith na ‘Ganito ang puwede niyong daanan...’ Wala lang, ‘yung talagang ganoong message. Tapos hindi sumagot, parang, ‘Aba!’ Pero alam kong seen eh. Bakit kaya? ‘Ano akala nito ini-style-an ko siya?’ Noong time na ‘yun talagang good intentions,” paglalahad ng aktor.

Pero dahil mapang-asar si Marian, naisip daw ni Dingdong na siya naman ang mang-asar sa kaniyang leading lady.

“Kasi asaran din naming magkakaibigan ‘yan eh, kunwari hindi ka nakasagot, ‘Hindi ka nakasagot?’ ‘Wala kasi akong load eh.’ ‘Di ba ‘yan ‘yung madalas na palusot. Sabi ko, ‘Nag-text ako sa ‘yo ah. Bakit hindi ka sumasagot, wala ka bang load?’” kuwento ni Dingdong.

Nagtagumpay daw si Dingdong sa kaniyang pang-aasar dahil namula si Marian.

“Tapos namula talaga siya. Sabi niya, (galit na buntong-hininga). Talagang walk-out,” natatawang kuwento pa ng aktor.

“Sa Marimar po nangyari ‘yon, hindi po sa Dyesebel. Pero talagang, asaran lang po namin ‘yon,” pagklaro ni Dingdong.

Nauna nang ikinuwento ni Marian na nasaktan siya noon nang sabihin ni Dingdong ang tungkol sa load, dahil talaga raw na prepaid card ang gamit niya noon sa cellphone. Siya pa raw mismo ang nagkakaskas ng card para mailagay sa kaniyang cellphone.

READ: Marian Rivera, prepaid card ang gamit noon para ma-loadan ang cellphone

Pero nagsimula man sa pagsusungitan, nauwi naman sa pag-iibigan sina Marian at Dingdong na ikinasal noong 2014.

Mayroon na silang dalawang anak na sina Zia at Ziggy.--FRJ, GMA Integrated News