Inihayag ni Dingdong Dantes na nagsimula na sila ni Marian Rivera na ipapanood sa kanilang mga anak, lalo na kay Zia, ang ilan sa kanilang mga ginawang proyekto bilang mga artista.

“Si Zia po kasi nandoon siya sa tamang edad nga ngayon para malaman at ma-realize niya kung ano talaga ‘yung ginagawa ng kaniyang mga magulang,” saad ni Dingdong sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes.

“Kasi siyempre nagkakaroon ng mixed signals. Minsan makikita niya pupunta ako, ‘yung trabaho ko naka-outfit na iba tapos dito iba na naman, hosting for Amazing Earth tapos sa Family Feud,” pagpapatuloy niya.

Unti-unti na rin nilang minumulat si Zia sa klase ng kanilang trabaho bilang mga artista.

“Meron kaming stage which happened just recently wherein pinapanood namin sila ng mga past works namin. Slowly gusto naming i-shape sa kanila, pero sa ngayon kay Zia muna kung ano ba ‘yung nature ng trabaho namin sa industriyang ito because we wanna make them understand how important this job is para sa atin dahil ito ‘yung nagbibigay kabuhayan sa amin,” anang Kapuso Primetime King.

Bukod dito, gusto rin ipakita nina Dingdong at Marian na “very proud” sila sa kanilang trabaho.

Inamin naman ni Dingdong na nagkaroon sila ng diskusyon ni Marian kung itatago nila ang kanilang mga anak mula sa realidad ng showbiz.

“Kasi there was a time na nag-uusap kami ni Marian, ‘Should we shield them from the realities of the industry?’”

“But then sabi namin ‘Why? What’s there to hide? Marangal ang trabaho natin dito. Ito ‘yung nakapagbibigay ng pagkain sa ating mesa. And we’re proud of about the fact that we’re making millions of Filipinos happy through our work in television,” saad ni Dingdong.

Sinabi ni Dingdong na pagdating sa tamang edad nina Zia at Sixto, hahayaan na nila ni Marian ang mga ito na magpasya kung magugustuhan din ang pagpasok sa showbiz.

“Mahalagang malaman muna nila ‘yon. At siguro later on, magde-decide sila on their own kung ito ba’y isang bagay na gugustuhin din nila. Pero at least alam nila ‘yung fundamentals,” paliwanag ng aktor.-- FRJ, GMA Integrated News