Ikinuwento ni Ara Mina na hango sa pangalan ng kaniyang bunsong kapatid na may Down syndrome na si Mina ang "Mina" sa kaniyang screen name.

Isa si Ara sa celebrity guest choices na may kaanak na may special need sa segment na "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga" nitong Lunes.

Ayon kay Ara, Hazel ang tunay na pangalan, bunsong kapatid nila si Mina, na 31-taong-gulang na.

Paliwanag ng aktres, Mina Princess ang pangalan ng kaniyang kapatid, na pinagmulan ng "Mina" sa kaniyang screen name.

Ang "Ara" naman ay mula sa pangalan ng isa pa niyang kapatid na si Ara Cristine, na kilala sa showbiz bilang si Cristine Reyes.

Kuwento ni Ara, sweet na kapatid si Mina pero may tantrums kung minsan kapag hindi nakuha ang gusto o kapag nagutom.

Para mawala ang tantrums, kinakausap nila ito nang maayos o kaya naman ay sila na ang kunwaring magsusuplada.

Aminado si Ara na minsan na rin siyang may nakasagutan dahil sa masamang tingin sa kaniyang kapatid na si Mina.

"Bakit, anong meron sa kapatid ko? Talagang ginanun ko. Dapat mahaba ang pasensya nila sa mga ganyan kasi tao rin sila. 'Wag, mag-judge," sabi ni Ara.

At kahit hindi nila sinabi sa kapatid, hinihinala nila Ara na batid ni Mina na may kondisyon siya.

Sa kabila nito, may celebrity crush din umano si Mina na noon ay si Dennis Trillo, at ngayon naman ay si Paolo Avelino.--FRJ, GMA Integrated News