Sa "Fast Talk with Boy Abunda," tinanong ang "Bubble Gang" comedianne na si Chariz Solomon kung may pagsisisi ba siya sa kaniyang first marriage na nauwi sa hiwalayan at kung ano ang best thing na ginawa niya para sa pag-ibig.

Sa segment na "Fast Talk," sinabi ni Chariz na wala siyang pagsisisi kahit nauwi sa hiwalayan ang kaniyang first marriage sa isang negosyante.

"Yes" naman ang isinagot ni Chariz nang tanungin siya ni Tito Boy kung "the one" na para sa kaniya ang karelasyon niya ngayon na si Vince Teotico.

Mayroon na ngayong isang anak sina Chariz at Vince. Mayroon naman dalawang anak ang aktres sa dati nitong asawa.

Tinanong din ni Tito Boy kung nais pa ni Chariz na dagdagan ang kaniyang mga anak.

"Oo sana pero hindi ko na kaya," natatawang sabi ni Chariz, na inilarawan ang kaniyang sarili na "cool" na ina.

Nang tanungin si Chariz kung ano ang best thing na ginawa niya para sa pag-ibig, sinabi ng aktres na, "I stood up for myself."

Bago matapos ang naturang segment, hiniling ni Tito Boy kay Chariz na ipaliwanag ang naturang sagot niya.

"Minsan kasi nandun ka sa point ng karelasyon mo na parang feeling mo hindi na healthy to stay together," ayon sa aktres.

Pero may pagkakataon umano na papasok sa isip ng tao na, "paano yung mga ibang tao? Like yung family around, his family, my family."

"Kasi pamilya na kayong isa. So mahirap na makipag-break sa lahat," paliwanag niya, na kasama rin umano sa dapat na ikonsidera ang mga anak.

Sa kaniyang sitwasyon, kailangan umano niyang magdesisyon lalo na kung pabalik-balik na siya sa ospital.

"Kung mag-stay ako tapos lagi akong pabalik-balik sa ospital eh 'di mawawalan din sila ng nanay, eh 'di umalis na lang ako. At least may nanay pa rin sila, may tatay pa rin sila," paliwanag niya, na sinabi naman ni Tito Boy na kailangan ang tapang upang manindigan para sa sarili.--FRJ, GMA Integrated News